PARODY OF A TEACHER

PARODY OF A TEACHER

Thursday, October 11, 2012

Kwento sa Jeep

Minsan sa aking pag uwi galing sa Unibersidad ng Pilipinas, sumakay ako ng jeep. Mula Philcoa, medyo puno na ito. Subalit, pilit pa rin pinagsisiksik ng drayber ang kanyang mga pasahero. Nung huminto ang jeep sa tapat ng simbahan ng Iglesia ni Cristo sa Central, may umakyat na dalawang estudyante. Di ko lang alam kung pumapasok sila sa parehong paaralan, pero alam ko na magkaibigan sila. Mula pag akyat, hanggang sa pagbaba nila walang humpay ang kanilang pag-uusap at paminsan-minsan ay may kalakip na tili at hagikhikan. Tila baga wala silang pakialam kung pinagtitinginan sila ng kapwa nila pasahero. Nung malapit na ang jeep sa Ever Gotesco, nagsalita ang matanda na may kalong-kalong na siguro'y limang taong gulang na batang babae: "Mama, ibaba mo kami sa Ever ha?' Pagdating sa Ever, nagwika ulit ang matanda, "Mama, para lang sa tabi". Ngunit, ang mamang drayber ay basta na lang huminto, at sinabi: "Sige, pwede na po kayong bumaba." Bumaba ang lola hatak-hatak ang kanyang apo, ngunit bago tuluyang bumaba ang bata, nilingon nya ang drayber, dinuro habang sumisigaw, "Di ba ang sabi sa yo sa tabi? Bakit dito mo kami pinabababa?" Sabay kaming lahat na napatingin sa bata, at napangiti na lamang. Dumeretso ang mamang tsuper, ngunit huminto pagdating ng Litex para magsakay ng mga pasahero. Unang umakyat ang dalawang babae na may dalang bisikleta. Pinasok nila ang bisikleta sa loob ng jeep. Sa kasamaang palad nagulungan ang isa kung paa, pero di ko na lang pinahalata. Pagkatapos nun, umakyat ang tatlong dalaginding. Akala ko mga totoong neneng sila. Hindi pala. Inabot ng isa ang kanilang bayad, sabay sabi "dalawa po, jan lang sa FCM". Huh?! Dalawa, eh di ba tatlo sila? Tsk..tsk... ang babata pa, madudugas na. Sa di kalayuan, umakyat ang isang ale na may dalang bayong at karton. Doon sya naupo sa likod ng drayber. Pagkalapag nya ng kanyang karton may tumahol na tuta. At hindi na nagtigil ang pagtahol nya hanggang sa ako'y bumaba.
 
Talaga nga naman, minsan masarap sumakay sa jeep, kahit siksikan, maalikabok at mainit. Kasi ang bawat taong umaakyat ng jeep ay may hatid na kwento sa taong nakamasid. :-)

No comments:

Post a Comment